1Mula kay Judas na alipin ni Jesu-Cristo at kapatid ni Santiago.
Mahal kong mga pinili ng Dios Ama na maging kanya, na minamahal niya at iniingatan ni Jesu-Cristo:
2Sumainyo nawa ang higit pang awa, kapayapaan, at pag-ibig mula sa Dios.
Mga Huwad at Sinungaling na Guro
3Mga minamahal, gustong-gusto ko sanang sumulat sa inyo tungkol sa kaligtasang natanggap natin, pero naisip ko na mas kailangan ko ngayong sumulat tungkol sa mga bagay na magpapalakas ng inyong loob upang manindigan sa mga aral ng ating pananampalataya. Ang mga aral na ito ay ipinagkatiwala ng Dios sa mga pinabanal1:3 pinabanal: sa Griego, hagios, na ang ibig sabihin ay itinuring ng Dios na sa kanya. niya, at hindi dapat baguhin. 4Sumulat ako sa inyo dahil hindi ninyo namalayan na napasok kayo ng ilang mga tao na pinipilit baguhin ang mga aral tungkol sa biyaya ng Dios upang makagawa ng kalaswaan. Tinalikuran nila ang ating Panginoong Jesu-Cristo na nagmamay-ari ng ating buhay. Silaʼy mga taong walang Dios na noon pa man ay nakatakda nang parusahan ayon sa Kasulatan.
5Kahit alam nʼyo na, gusto ko pa ring ipaalala sa inyo na kahit iniligtas ng Panginoon ang mga Israelita sa pagkaalipin sa Egipto, sa bandang huli ay pinatay niya ang ilan sa kanila dahil hindi sila sumampalataya sa kanya. 6Alalahanin nʼyo rin ang mga anghel na hindi nanatili sa dati nilang kalagayan kundi iniwan ang kanilang lugar. Ginapos ng Dios ang mga iyon ng mga kadenang hindi mapuputol, at ikinulong sa napakadilim na lugar hanggang sa araw na hahatulan sila. 7At alalahanin nʼyo rin ang nangyari sa Sodom at Gomora at sa mga kalapit na bayan nila. Katulad ng mga anghel na iyon, gumawa sila ng lahat ng uri ng kalaswaan, pati na ng kahalayan sa hindi nila kauri. Pinarusahan sila sa walang hanggang apoy bilang babala sa lahat.
8Ganyan din ang mga taong nakapasok sa inyo nang hindi ninyo namalayan. May mga pangitain sila na nag-uudyok sa kanila na gumawa ng kahalayan sa sarili nilang katawan. At dahil din sa mga pangitaing iyon, ayaw nilang magpasakop sa kapangyarihan ng Panginoon, at nilalait nila ang mga makapangyarihang nilalang. 9Kahit na si Micael na pinuno ng mga anghel ay hindi nanlait ng ganoon. Sapagkat nang makipagtalo siya sa diyablo kung sino sa kanila ang kukuha ng bangkay ni Moises, hindi siya nangahas umakusa nang may panlalait. Sa halip, sinabi lang niya, “Sawayin ka ng Panginoon!” 10Pero ang mga taong itoʼy nanlalait sa mga bagay na hindi nila naiintindihan. Tulad ng mga hayop na hindi iniisip ang kanilang ginagawa, wala silang ibang sinusunod kundi ang likas na damdamin nila na siyang nagdadala sa kanila sa kapahamakan. 11Nakakaawa ang sasapitin ng mga taong ito dahil sinunod nila ang ginawa ni Cain. Tinularan din nila si Balaam, dahil kahit alam nilang mali ang ginagawa nila, patuloy pa rin nila itong ginagawa dahil nasilaw sila sa salapi. At tulad din ni Kora, naghihimagsik sila laban sa Dios, kaya sila ay parurusahan ding tulad niya. 12Ang mga taong itoʼy nakakasira1:12 nakakasira: o, nakakadungis. sa pagsasalo-salo ninyo bilang magkakapatid sa Panginoon. Ang tanging habol nila ay kumain at uminom, at hindi sila nahihiya sa ginagawa nila. Wala silang iniisip kundi ang kanilang sarili. Para silang mga ulap na tinatangay ng hangin pero wala namang dalang ulan. Para rin silang mga punongkahoy na walang bunga sa kapanahunan nito, binunot pati ang ugat at talagang patay na. 13At kung paanong nakikita ang bula ng malalakas na alon sa dagat, nakikita rin ang mga gawa nilang kahiya-hiya. Para rin silang mga ligaw na bituin. Itinakda sila ng Dios para sa napakadilim na lugar, at mananatili sila roon magpakailanman.
14Si Enoc, na kabilang sa ikapitong henerasyon mula kay Adan ay may propesiya tungkol sa kanila. Sinabi niya, “Makinig kayo, darating ang Panginoon na kasama ang libu-libo niyang mga anghel 15para hatulan ang lahat at parusahan ang mga hindi kumikilala sa Dios dahil sa masasama nilang gawa at masasakit na pananalita laban sa kanya.” 16Ang mga taong ito na sumasalungat sa katotohanan ay mareklamo, mapagpuna, at ang tanging sinusunod ay ang masasamang hangarin nila. Mayabang sila sa kanilang pananalita, at nililinlang nila ang mga tao para makuha ang gusto nila.
Mga Payo at Babala
17Ngunit lagi ninyong tandaan, mga minamahal, ang sinabi ng mga apostol ni Jesu-Cristo na ating Panginoon. 18Sinabi nila, “Sa mga huling araw, darating ang mga taong mapanlait na ang tanging sinusunod ay ang masasama nilang hangarin.” 19Sila ang mga taong gumagawa ng paraan upang masira ang pagkakaisa ninyo. Makamundo sila, at wala sa kanila ang Banal na Espiritu. 20Ngunit mga minamahal, magpakatatag kayo sa inyong banal na pananampalataya. Lagi kayong manalangin sa tulong ng Banal na Espiritu. 21Manatili kayo sa pag-ibig ng Dios, habang hinihintay ninyo ang buhay na walang hanggan na ibibigay ng ating Panginoong Jesu-Cristo dahil sa awa niya sa atin. 22Maawa kayo sa mga nag-aalinlangan. 23Tulungan ninyo ang iba na maligtas sa kaparusahan, na para bang nagliligtas kayo ng isang bagay na masusunog na. Maawa kayo kahit sa mga taong napakasama, pero mag-ingat kayo sa masasama nilang gawa. Kasuklaman ninyo kahit na ang damit nilang nadumihan ng kasamaan nila.
Papuri at Pasasalamat sa Dios
24At ngayon, purihin natin ang Dios – siya na makakapag-ingat sa inyo upang hindi kayo magkasala, at makakapagdala sa inyo sa kanyang harapan nang walang kapintasan at may lubos na kagalakan. 25Siya lang ang Dios at ating Tagapagligtas sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Sa kanya ang kapurihan, karangalan, kadakilaan at kapangyarihan, mula pa noong una, hanggang ngayon, at magpakailanman. Amen.