Salmo 128 – Tagalog Contemporary Bible TCB

Tagalog Contemporary Bible

Salmo 128:1-6

Salmo 128128 Salmo 128 Ang unang mga salita sa Hebreo: Ang awit habang paakyat.

Ang Gantimpala ng Pagsunod sa Panginoon

1Mapalad kayong may takot sa Panginoon, na namumuhay ayon sa kanyang pamamaraan.

2Ang inyong pinaghirapan ay magiging sapat sa inyong pangangailangan,

at kayoʼy magiging maunlad at maligaya.

3Ang inyong asawa ay magiging katulad ng ubasan sa inyong tahanan, na sagana sa bunga,

at ang inyong mga anak na nakapaligid sa inyong hapag-kainan ay parang mga bagong tanim na olibo.

4Ganito pagpapalain ang sinumang may takot sa Panginoon.

5Pagpalain sana kayo ng Panginoon mula sa kanyang templo.

Makita sana ninyong umuunlad ang Jerusalem habang kayoʼy nabubuhay.

6Makita sana ninyo ang inyong mga apo.

Mapasaiyo nawa Israel ang kapayapaan!