Ang Kasulatan at ang Tupa
1Pagkatapos nito, nakita ko ang nakarolyong kasulatan na hawak-hawak ng nakaupo sa trono sa kanang kamay niya. May nakasulat sa magkabilang panig nito, at may pitong selyo5:1 selyo: Ang selyong tinutukoy dito ay gawa sa “wax” at inilalagay sa gilid ng nakarolyong kasulatan upang manatiling sarado. para hindi mabuksan. 2At nakita ko ang isang makapangyarihang anghel na sumisigaw, “Sino ang karapat-dapat na magtanggal ng mga selyo at nang mabuksan ang kasulatang ito?” 3Pero walang isa man sa langit, sa lupa o sa ilalim ng lupa na makapagbukas ng kasulatan upang mabasa ang nakasulat doon. 4Umiyak ako nang labis dahil walang natagpuang karapat-dapat na magbukas at bumasa ng kasulatang iyon. 5Sinabi sa akin ng isa sa mga namumuno, “Huwag kang umiyak dahil si Jesus na tinaguriang Leon mula sa lahi ni Juda, ang anak ni David ay nagtagumpay at karapat-dapat siyang magtanggal ng pitong selyo upang mabuksan ang kasulatan.”
6Pagkatapos, nakita ko ang isang Tupa5:6 Tupa: sa literal, batang tupa. Sa ibang salin, kordero. na mukhang pinatay, pero nakatayo na sa pagitan ng mga namumuno at ng tronong napapaligiran ng apat na buhay na nilalang. Mayroon itong pitong sungay at pitong mata, na siyang pitong Espiritu ng Dios5:6 pitong Espiritu ng Dios: Tingnan ang “footnote” sa 1:4-5. na isinugo sa lahat ng lugar sa mundo. 7Lumapit ang Tupa sa trono at kinuha niya ang kasulatan sa kanang kamay ng nakaupo roon. 8Nang kunin niya iyon, lumuhod sa harap ng Tupa ang apat na buhay na nilalang at ang 24 na namumuno at sumamba sa kanya. Ang bawat isa sa kanila ay may hawak na gintong sisidlan na puno ng insenso, na siyang panalangin ng mga pinabanal.5:8 pinabanal: sa Griego, hagios, na ang ibig sabihin ay itinuring ng Dios na sa kanya. May alpa5:8 alpa: parang gitara. rin silang tinutugtog, 9at umaawit sila ng bagong awit na ito:
“Kayo po ang karapat-dapat na kumuha ng kasulatan at magtanggal ng mga selyo nito,
dahil kayo ay pinatay, at sa pamamagitan ng inyong dugo ay tinubos nʼyo ang mga tao para sa Dios.
Ang mga taong ito ay mula sa bawat angkan, wika, lahi, at bansa.
10Ginawa nʼyo silang mga hari at mga pari upang maglingkod sa ating Dios.
At maghahari sila sa mundo.”
11Nakita ko at narinig ang tinig ng libu-libo at milyon-milyong mga anghel na nakapaligid sa trono, sa apat na buhay na nilalang at sa 24 na namumuno. 12Umaawit sila nang malakas:
“Ang Tupang pinatay ay karapat-dapat tumanggap ng kapangyarihan, kayamanan, karunungan, kalakasan, karangalan, kaluwalhatian at kapurihan!”
13At narinig ko ang lahat ng nilalang sa langit, sa lupa, sa ilalim ng lupa, at sa dagat na umaawit:
“Ibigay sa nakaupo sa trono at sa Tupa ang kapurihan, kaluwalhatian, karangalan at kapangyarihan magpakailanman!”
14Sumagot ang apat na buhay na nilalang, “Amen!” At lumuhod ang mga namumuno at sumamba.