Mateo 15:10-39 TCB

Mateo 15:10-39

Ang Nagpaparumi sa Tao

(Mar. 7:14-23)

Tinawag ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayo at unawain ang sasabihin ko. Hindi ang pumapasok sa bibig ng tao ang nagpaparumi sa kanya kundi ang mga lumalabas dito.”

Lumapit ngayon ang mga tagasunod niya at sinabi, “Alam nʼyo po ba na nasaktan ang mga Pariseo sa sinabi ninyo?” Sumagot siya, “Lahat ng halamang hindi itinanim ng aking Amang nasa langit ay bubunutin. Hayaan ninyo sila. Mga bulag silang tagaakay. Kung ang bulag ang aakay sa kapwa niya bulag, pareho silang mahuhulog sa hukay.” Sumagot si Pedro, “Pakipaliwanag nʼyo po sa amin ang paghahalintulad na sinabi nʼyo kanina.” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi pa rin ba ninyo naintindihan? Hindi ba ninyo alam na anumang pumapasok sa bibig ay tumutuloy sa tiyan at idinudumi? Ngunit ang lumalabas sa bibig ay nagmumula sa puso ng tao, at ito ang nagpaparumi sa kanya sa paningin ng Dios. Sapagkat sa puso ng tao nagmumula ang masasamang pag-iisip na nagtutulak sa kanya para pumatay, mangalunya, gumawa ng sekswal na imoralidad, magnakaw, magsinungaling at manira ng kapwa. Ang mga bagay na ito ang nagpaparumi sa isang tao. Ngunit ang kumain nang hindi naghuhugas ng kamay ay hindi nakapagpaparumi sa tao.”

Ang Pananampalataya ng Babaeng Hindi Judio

(Mar. 7:24-30)

Umalis si Jesus mula roon at pumunta sa mga lugar na malapit sa Tyre at Sidon. May isang Cananea na naninirahan doon. Lumapit siya kay Jesus at nagmakaawa. Sinabi niya, “Panginoon, Anak ni David,15:22 Anak ni David: Ito ang tawag ng mga Judio sa Mesias o Cristo dahil sa paniniwalang siyaʼy mula sa angkan ni David. maawa kayo sa akin. Ang anak kong babae ay sinasaniban at lubhang pinahihirapan ng masamang espiritu.” Pero hindi sumagot si Jesus. Kaya lumapit sa kanya ang mga tagasunod niya at sinabi, “Paalisin nʼyo na po ang babaeng iyan, dahil sunod siya nang sunod sa atin at nag-iingay.” Sinabi ni Jesus sa babae, “Sinugo ako para lang sa mga Israelita na parang mga tupang naliligaw.” Pero lumapit pa ang babae kay Jesus at lumuhod sa harap niya, at sinabi, “Panginoon, tulungan nʼyo po ako.” Sinagot siya ni Jesus sa pamamagitan ng isang kasabihan, “Hindi tamang kunin ang pagkain ng mga anak at ihagis sa mga aso.” Sumagot naman ang babae, “Tama po kayo, Panginoon, pero kahit mga aso ay kumakain ng mga tirang nahuhulog mula sa mesa ng kanilang amo.” At sinabi sa kanya ni Jesus, “Napakalaki ng pananampalataya mo! Mangyayari ang ayon sa hinihiling mo.” At nang sandaling iyon ay gumaling ang anak ng babae.

Maraming Pinagaling si Jesus

Mula roon, pumunta si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. Pagkatapos, umakyat siya sa bundok at naupo roon. Maraming tao ang pumunta sa kanya na may dalang mga pilay, bulag, komang, pipi, at marami pang mga may sakit. Inilapit sila sa paanan ni Jesus at pinagaling niya silang lahat. Namangha nang husto ang mga tao nang makita nilang nakakapagsalita na ang mga pipi, gumaling na ang mga komang, nakakalakad na ang mga pilay, at nakakakita na ang mga bulag. Kaya pinuri nila ang Dios ng Israel.

Ang Pagpapakain sa Apat na Libo

(Mar. 8:1-10)

Tinawag ni Jesus ang mga tagasunod niya at sinabi, “Naaawa ako sa mga taong ito. Tatlong araw ko na silang kasama at wala na silang makain. Ayaw kong pauwiin sila nang gutom at baka mahilo sila sa daan.” Sumagot ang mga tagasunod niya, “Saan po tayo kukuha ng sapat na pagkain dito sa ilang para sa ganito karaming tao?” Tinanong sila ni Jesus, “Ilan ang tinapay ninyo riyan?” Sinabi nila, “Pito po, at ilang maliliit na isda.” Pinaupo ni Jesus ang mga tao. Kinuha niya ang pitong tinapay at ang mga isda at nagpasalamat sa Dios. Pagkatapos, hinati-hati niya ang pagkain at ibinigay sa mga tagasunod niya, at ipinamigay naman nila ito sa mga tao. Kumain silang lahat at nabusog. Pagkatapos, tinipon nila ang mga natirang pagkain at nakapuno sila ng pitong basket. Ang bilang ng mga lalaking kumain ay mga 4,000 maliban pa sa mga babae at mga bata.

Matapos pauwiin ni Jesus ang mga tao, sumakay siya sa bangka at pumunta sa lupain ng Magadan.

Read More of Mateo 15