Gawa 11:19-30, Gawa 12:1-19 TCB

Gawa 11:19-30

Ang Iglesya ng Antioc sa Syria

Simula nang mamatay si Esteban, nangalat ang mga mananampalataya dahil sa pag-uusig sa kanila. Ang iba ay nakarating sa Fenicia, Cyprus, at Antioc. Ipinapahayag nila ang Magandang Balita kahit saan sila pumunta, pero sa mga Judio lamang. Pero ang ibang mananampalataya na taga-Cyprus at taga-Cyrene ay pumunta sa Antioc at nagpahayag ng Magandang Balita tungkol sa Panginoong Jesus maging sa mga hindi Judio. Ang kapangyarihan ng Panginoon ay nasa kanila at marami ang sumampalataya at nagbalik-loob sa Panginoon.

Ang pangyayaring ito ay nabalitaan ng iglesya sa Jerusalem, kaya pinapunta nila si Bernabe sa Antioc. Pagdating niya roon, natuwa siya dahil nakita niya ang mga kabutihang ginawa ng Dios sa mga tao roon. At pinayuhan niya sila na maging matapat at matatag sa kanilang pananampalataya sa Panginoon. Mabuting tao si Bernabe. Pinapatnubayan siya ng Banal na Espiritu, at matibay ang kanyang pananampalataya sa Dios. Kaya marami sa Antioc ang sumampalataya sa Panginoon.

Pagkatapos, pumunta si Bernabe sa Tarsus para hanapin si Saulo. Nang makita niya si Saulo, isinama niya ito pabalik sa Antioc. At isang taon silang nakasama ng iglesya roon, at maraming tao ang kanilang tinuruan. Sa Antioc unang tinawag na mga Cristiano ang mga tagasunod ni Jesus.

Nang panahong iyon, may mga propeta sa Jerusalem na pumunta sa Antioc. Ang pangalan ng isa sa kanila ay si Agabus. Tumayo siya at nagpahayag sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na may darating na matinding taggutom sa buong mundo. (Nangyari ito sa panahon ni Claudius na Emperador ng Roma.) Kaya nagpasya ang mga tagasunod ni Jesus sa Antioc na ang bawat isa sa kanila ay magpapadala ng tulong sa mga kapatid sa Judea ayon sa kanilang makakaya. Ipinadala nila ito sa pamamagitan nina Bernabe at Saulo para ibigay sa mga namumuno ng iglesya sa Jerusalem.

Read More of Gawa 11

Gawa 12:1-19

Inusig ni Haring Herodes ang mga Mananampalataya

Nang panahong iyon, nagsimula si Haring Herodes12:1 Haring Herodes: Itoʼy si Herodes Agripa I. Siyaʼy apo ni Herodes na makikita sa Mat. 2:1; 14:1. sa pag-uusig sa ilang miyembro ng iglesya. Ipinapatay niya si Santiago na kapatid ni Juan sa pamamagitan ng espada. Nang makita niyang natuwa ang mga Judio dahil sa kanyang ginawa, ipinahuli rin niya si Pedro. Nangyari ito sa panahon ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Ipinabilanggo niya si Pedro at pinabantayan sa apat na grupo ng mga sundalo na ang bawat grupo ay may apat na sundalo. Ayon sa plano ni Herodes, ang paglilitis kay Pedro ay gagawin niya sa harap ng taong-bayan pagkatapos ng Pista ng Paglampas ng Anghel. Habang nasa bilangguan si Pedro, patuloy ang taimtim na pananalangin ng iglesya para sa kanya.

Ang Himalang Pagkalabas ni Pedro sa Bilangguan

Noong gabing bago iharap si Pedro sa paglilitis, natutulog siyang nakagapos ng dalawang kadena sa pagitan ng dalawang sundalo. Mayroon pang mga guwardyang nakabantay sa pintuan ng bilangguan. Walang anu-anoʼy biglang nagliwanag sa loob ng bilangguan at nagpakita ang isang anghel ng Panginoon. Tinapik niya sa tagiliran si Pedro para magising, at sinabi, “Dali, bumangon ka!” At natanggal ang mga kadena sa kanyang mga kamay. Sinabi ng anghel, “Magdamit ka at magsandalyas.” At ginawa nga iyon ni Pedro. Sinabi pa ng anghel sa kanya, “Magbalabal ka at sumunod sa akin.” At sumunod nga siya sa anghel palabas sa bilangguan. Hindi alam ni Pedro kung totoo ang nangyayari. Ang akala niyaʼy nananaginip lang siya. Dinaanan lang nila ang una at ang pangalawang grupo ng mga guwardya. Pagdating nila sa pintuang bakal na patungo sa loob ng lungsod, kusa itong bumukas. At lumabas sila agad. Paglampas nila sa isang kalye, bigla na lang siyang iniwan ng anghel. Saka lang niya nalaman na hindi pala ito panaginip lang. Sinabi niya, “Totoo pala talaga na ipinadala ng Panginoon ang kanyang anghel, at iniligtas niya ako sa kamay ni Herodes at sa lahat ng inaasahan ng mga Judio na mangyari sa akin.”

Nang maunawaan niya ang nangyari,12:12 Nang maunawaan niya ang nangyari: o, Nang malaman niyang ligtas na siya. pumunta siya sa bahay ni Maria na ina ni Juan Marcos. Maraming tao ang nagkakatipon doon at nananalangin. Kumatok si Pedro sa pinto ng bakuran, at lumapit ang utusang si Roda para alamin kung sino ang kumakatok. Nabosesan niyang si Pedro iyon at sa sobrang tuwa, sa halip na buksan ang pinto, tumakbo siyang papasok para ipaalam sa mga kasamahan niya na si Pedro ay nasa labas. Sinabi nila kay Roda, “Nasisiraan ka na yata ng bait!” Pero ipinagpilitan niyang si Pedro nga ang nasa labas. Kaya sinabi nila, “Baka anghel iyon ni Pedro.” Samantala, patuloy pa rin sa pagkatok si Pedro. Kaya binuksan nila ang pinto. At nang makita nilang si Pedro nga iyon, hindi sila makapaniwala. Sinenyasan sila ni Pedro na tumahimik, at ikinuwento niya sa kanila kung paano siya pinalabas ng Panginoon sa bilangguan. At sinabi niya sa kanila na ipaalam ito kay Santiago at sa iba pang mga kapatid. Pagkatapos, umalis siya at pumunta sa ibang lugar.

Kinaumagahan, nagkagulo ang mga guwardya, dahil wala na si Pedro at hindi nila alam kung ano ang nangyari sa kanya. Nag-utos si Herodes na hanapin siya, pero hindi talaga nila makita. Kaya pinaimbestigahan niya ang mga guwardya at ipinapatay. Pagkatapos, umalis si Herodes sa Judea. Pumunta siya sa Cesarea at doon nanatili.

Read More of Gawa 12