2 Cronica 26:1-23, 2 Cronica 27:1-9, 2 Cronica 28:1-27 TCB

2 Cronica 26:1-23

Ang Paghahari ni Uzia sa Juda

(2 Hari 14:21-22; 15:1-7)

Ang ipinalit ng mga mamamayan ng Juda kay Amazia bilang hari ay ang anak nitong si Uzia26:1 Uzia: o, Azaria. na 16 na taong gulang. Siya ang bumawi ng Elat26:2 Elat: o, Elot. at ang muling nagpatayo nito matapos mamatay ang ama niyang si Amazia. Si Uzia ay 16 na taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 52 taon. Ang ina niya ay si Jecolia na taga-Jerusalem. Matuwid ang ginawa ni Uzia sa paningin ng Panginoon, katulad ng ginawa ng ama niyang si Amazia. Dumulog siya sa Dios nang panahon ni Zacarias, na siyang nagturo sa kanya sa paggalang sa Dios. Hanggaʼt dumudulog siya sa Panginoon, binibigyan siya nito ng katagumpayan.

Nakipaglaban siya sa mga Filisteo at winasak niya ang mga pader sa mga lungsod ng Gat, Jabne at Ashdod. Pagkatapos, nagpatayo siya ng bagong mga bayan malapit sa Ashdod at sa iba pang mga bayan ng Filisteo. Tinulungan siya ng Dios sa kanyang pakikipaglaban sa mga Filisteo, Meuneo at sa mga Arabo na nakatira sa Gur Baal. Nagbabayad ng buwis ang mga Ammonita sa kanya, at naging tanyag siya hanggang sa Egipto, dahil naging makapangyarihan siya.

Pinatatag pa ni Uzia ang Jerusalem sa pamamagitan ng pagpapatayo ng mga tore sa Sulok na Pintuan, sa Pintuan na Nakaharap sa Lambak, at sa likuan ng pader. Nagpatayo rin siya ng mga tore sa ilang at nagpahukay ng mga balon na imbakan ng mga tubig, dahil marami ang kanyang mga hayop sa mga kaburulan sa kanluran at sa kapatagan. May mga tauhan siya na nag-aalaga sa kanyang bukirin at ubasan sa kabundukan at sa kapatagan, dahil mahilig siyang magtanim.

May mahuhusay na sundalo si Uzia na laging handa sa labanan. Silaʼy binuo nina Jeyel na kalihim at Maaseya na opisyal, sa ilalim ng pamamahala ni Hanania na isa sa mga opisyal ng hari. Ang mga kumander ng matatapang na sundalo ay ang mga pinuno ng mga pamilya na 2,600 lahat. Ang kabuuang bilang ng mga sundalo ay 307,500. Silaʼy mahuhusay sa labanan at handa sa pagtulong sa hari laban sa mga kaaway niya. Binigyan sila ni Uzia ng mga pananggalang, sibat, helmet, kasuotang panangga ng katawan, pana at tirador. Nagpagawa rin si Uzia sa mahuhusay na manggagawa ng makina para gamitin sa pamamana at sa paghahagis ng malalaking bato mula sa mga tore at sa mga sulok ng mga pader. Naging tanyag si Uzia kahit saan, dahil tinulungan siya ng Panginoon hanggang sa naging makapangyarihan siya.

Pero nang naging makapangyarihan siya, naging mayabang siya. At ito ang nagpabagsak sa kanya. Hindi siya sumunod sa Panginoon na kanyang Dios, dahil pumasok siya sa templo ng Panginoon at personal na nagsunog ng insenso sa altar. Sinundan siya ni Azaria na punong pari at ng 80 pang matatapang na mga pari ng Panginoon, at sinaway. Sinabi nila, “Uzia, hindi ka dapat magsunog ng insenso para sa Panginoon. Ang gawaing iyan ay para lang sa mga pari na mula sa angkan ni Aaron. Sila ang pinili ng Panginoon para magsunog ng insenso. Lumabas ka sa templo dahil hindi ka sumunod sa Panginoon. Hindi ka pagpapalain ng Panginoong Dios.”

Labis na nagalit si Uzia sa mga pari. At habang hawak niya ang sisidlan ng insenso sa may altar sa templo ng Panginoon, tinubuan ng malubhang sakit sa balat26:19 malubhang sakit sa balat: Sa ibang salin ng Biblia, ketong. Ang salitang Hebreo nito ay ginamit sa ibaʼt ibang klase ng sakit sa balat na itinuturing na marumi ayon sa Lev. 13. ang kanyang noo. Nang makita ni Azaria at ng mga kasama niyang pari na tinubuan ng malubhang sakit sa balat ang noo ni Uzia, nagmadali silang ilabas ito. Hindi naman ito tumutol sapagkat naramdaman niyang siyaʼy pinarusahan ng Panginoon.

May malubhang sakit sa balat si Haring Uzia hanggang sa araw na namatay siya. Nakatira siya sa isang bukod na bahay, at hindi pinayagang makapasok sa templo. Si Jotam na anak niya ang siyang namahala sa palasyo at sa mga mamamayan ng Juda. Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Uzia, mula sa simula hanggang sa katapusan ay isinulat ni Propeta Isaias na anak ni Amoz. Nang mamatay si Uzia, inilibing siya malapit sa libingan ng mga ninuno niyang hari. Hindi siya isinama sa kanila, dahil may malubhang sakit siya sa balat. At ang anak niyang si Jotam ang pumalit sa kanya bilang hari.

Read More of 2 Cronica 26

2 Cronica 27:1-9

Ang Paghahari ni Jotam sa Juda

(2 Hari 15:32-38)

Si Jotam ay 25 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 16 na taon. Ang ina niya ay si Jerusha na anak ni Zadok. Matuwid ang ginawa ni Jotam sa paningin ng Panginoon, gaya ng ama niyang si Uzia. At mas matuwid pa siya dahil hindi niya ginaya ang kasalanang ginawa ng kanyang ama sa pamamagitan ng labag na pagpasok sa templo ng Panginoon. Sa kabila ng mga kabutihang ginawa ni Jotam, patuloy pa rin ang mga tao sa masasama nilang gawain. Si Jotam ang nagpatayo ng Hilagang Pintuan ng templo ng Panginoon, at nagpaayos ng pader sa bulubundukin ng Ofel. Siya rin ang nagpatayo ng mga bayan sa bulubundukin ng Judea, at nagpatayo ng mga pader at mga tore sa mga kagubatan.

Nakipaglaban si Jotam sa mga Ammonita at sa kanilang hari, at tinalo niya sila. Sa taon ding iyon, nagbigay sa kanila ang mga Ammonita ng 3,500 kilo ng pilak, 30,000 sako ng trigo, at 30,000 sako ng sebada. Ginawa nila ito hanggang sa ikatlong taon.

Naging mas makapangyarihan pa si Jotam dahil matapat siyang sumunod sa Panginoon na kanyang Dios. Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Jotam, pati ang lahat ng kanyang pakikipaglaban at mga ginawa ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel at Juda. Si Jotam ay 25 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 16 na taon. Nang mamatay si Jotam, inilibing siya sa Lungsod ni David. At ang anak niyang si Ahaz ang pumalit sa kanya bilang hari.

Read More of 2 Cronica 27

2 Cronica 28:1-27

Ang Paghahari ni Ahaz sa Juda

(2 Hari 16:1-4)

Si Ahaz ay 20 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 16 na taon. Gumawa siya ng masama sa paningin ng Panginoon, hindi katulad ng ginawa ng kanyang ninuno na si David. Sumunod siya sa pamumuhay ng mga hari ng Israel, at gumawa ng metal na mga imahen ni Baal. Nagsunog siya ng mga handog sa Lambak ng Ben Hinom, at inihandog niya mismo sa apoy ang kanyang mga anak na lalaki. Sinunod niya ang kasuklam-suklam na mga kaugalian ng mga bansang pinalayas ng Panginoon sa pamamagitan ng mga Israelita. Nag-alay siya ng mga handog at nagsunog ng mga insenso sa mga sambahan sa matataas na lugar,28:4 sambahan sa matataas na lugar: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod. sa ibabaw ng bundok at sa ilalim ng bawat malalagong punongkahoy.

Kaya ibinigay siya ng Panginoon na kanyang Dios sa hari ng Aram. Tinalo siya ng mga Arameo at marami sa kanyang mamamayan ang binihag sa Damascus. Ibinigay din siya sa hari ng Israel, na pumatay ng marami sa kanyang mamamayan. Sa isang araw lang 120,000 sundalo ng Juda ang pinatay ni Haring Peka ng Israel, na anak ni Remalia. Nangyari ito sa mga taga-Juda dahil itinakwil nila ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno. Pinatay ni Zicri, na isang matapang na sundalo ng Israel,28:7 Israel: sa Hebreo, Efraim. Isa sa mga lahi sa Israel at kumakatawan sa buong kaharian ng Israel. Ganito rin sa talatang 12. sina Maaseya na anak ni Haring Ahaz, Azrikam na tagapamahala ng palasyo, at Elkana na pangalawa sa hari. Binihag ng mga taga-Israel ang kanilang mga kadugo na taga-Juda – 200,000 asawaʼt mga anak. Sinamsam din nila ang mga ari-arian ng mga taga-Juda at dinala pauwi sa Samaria.

Pero nang dumating ang mga sundalo sa Samaria, sinalubong sila ni Oded na propeta ng Panginoon, at sinabi, “Ipinaubaya sa inyo ng Panginoon na inyong Dios ang Juda dahil sa kanyang galit sa kanila. Pero labis ang ginawa ninyo; pinagpapatay nʼyo sila nang walang awa, at nalaman ito ng Panginoon doon sa langit. At ngayon, gusto pa ninyong alipinin ang mga lalaki at mga babae na mula sa Jerusalem at sa iba pang lungsod ng Juda. Hindi baʼt may kasalanan din kayo sa Panginoon na inyong Dios? Makinig kayo sa akin! Galit na galit ang Panginoon sa inyo. Kaya pabalikin nʼyo ang inyong mga kadugo na inyong binihag.”

Ganito rin ang sinabi ng ibang mga pinuno ng Israel sa mga sundalo na dumating galing sa labanan. Ang mga pinuno ay sina Azaria na anak ni Jehohanan, Berekia na anak ni Meshilemot, Jehizkia na anak ni Shalum, at Amasa na anak ni Hadlai. Ito ang sinabi nila sa mga sundalo: “Huwag nʼyong dalhin dito ang mga bihag na iyan, dahil pananagutan natin ito sa Panginoon. Dadagdagan nʼyo pa ba ang kasalanan natin? Marami na tayong kasalanan, at galit na galit na ang Panginoon sa Israel.”

Kaya pinakawalan ng mga sundalo ang mga bihag at isinauli ang kanilang ari-arian sa harapan ng mga pinuno at mga mamamayan. Pagkatapos, lumapit sa mga bihag ang apat na pinuno na nabanggit, at tinulungan ang mga bihag. Kumuha sila ng mga damit mula sa mga kagamitang nasamsam ng mga sundalo, at ipinasuot ito sa mga hubad na bihag. Binigyan nila ang mga bihag ng mga damit, sandalyas, inumin, at gamot. Ipinasakay nila sa mga asno ang mga mahina, at dinala nila pabalik ang lahat ng bihag sa kani-kanilang mga kababayan. Doon nila sila iniwan sa Jerico, sa Bayan ng mga Palma. Pagkatapos, umuwi sila sa Samaria.

Humingi ng Tulong si Ahaz sa Asiria

(2 Hari 16:7-9)

Nang panahong iyon, humingi ng tulong si Haring Ahaz sa hari ng Asiria. Sapagkat muling nilusob ng mga taga-Edom ang Juda at binihag ang ibang mga naninirahan dito. Bukod pa rito, nilusob din ng mga Filisteo ang mga bayan ng Juda na nasa kaburulan sa kanluran at nasa Negev. Naagaw nila ang Bet Shemesh, Ayalon, Gederot, Soco, Timnah at Gimzo, pati ang mga baryo sa paligid nito; at doon na sila nanirahan. Ibinaba ng Panginoon ang Juda dahil hinikayat ni Haring Ahaz ang mga mamamayan sa paggawa ng kasamaan, at hindi siya sumunod sa Panginoon. Kaya pagdating ni Haring Tiglat Pileser ng Asiria, ginipit niya si Ahaz sa halip na tulungan. Nanguha si Ahaz ng mga ari-arian sa templo ng Panginoon, sa palasyo, at sa mga bahay ng mga opisyal, at ibinigay niya ito sa hari ng Asiria. Pero hindi ito nakatulong kay Ahaz.

Sa panahon ng mga kahirapan ni Haring Ahaz, lalo pa siyang naging suwail sa Panginoon. Nag-alay siya ng mga handog sa mga dios ng mga taga-Damascus na tumalo sa kanya. Sapagkat sinabi niya, “Ang mga hari ng Aram ay tinulungan ng kanilang mga dios. Kaya maghahandog din ako sa mga dios na ito para tulungan din nila ako.” Pero ang mga ito ang nagpahamak sa kanya at sa mga taga-Israel.

Kinuha ni Ahaz ang mga kagamitan sa templo ng Dios at ipinadurog ito. Ipinasara niya ang pintuan ng templo, at nagpatayo siya ng mga altar sa bawat kanto ng Jerusalem. Nagpatayo rin siya ng mga sambahan sa matataas na lugar sa lahat ng bayan sa Juda, para makapaghandog sa ibang mga dios. At labis itong nakapagpagalit sa Panginoon, ang Dios ng kanyang mga ninuno.

Ang iba pang mga salaysay tungkol sa paghahari ni Ahaz at sa kanyang pag-uugali, mula sa simula hanggang sa katapusan ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda at Israel. Nang mamatay si Ahaz, inilibing siya sa lungsod ng Jerusalem, pero hindi sa libingan ng mga hari ng Israel. At ang anak niyang si Hezekia ang pumalit sa kanya bilang hari.

Read More of 2 Cronica 28