Salmo 71 – Tagalog Contemporary Bible TCB

Tagalog Contemporary Bible

Salmo 71:1-24

Salmo 71

Panalangin para sa Habang Buhay na Pagliligtas

1Panginoon, sa inyo ako humihingi ng kalinga.

Huwag nʼyong pabayaang akoʼy mapahiya.

2Tulungan nʼyo ako at iligtas sapagkat ikaw ay matuwid.

Dinggin nʼyo ako at iligtas.

3Kayo ang aking maging batong kanlungan na lagi kong malalapitan.

Ipag-utos nʼyo na iligtas ako, dahil kayo ang aking matibay na batong pananggalang.

4O Dios ko, iligtas nʼyo ako mula sa kamay ng masasama at malulupit na tao.

5Kayo ang aking pag-asa, O Panginoong Dios.

Mula noong akoʼy bata pa, nagtiwala na ako sa inyo.

6Mula nang akoʼy isilang, kasama na kita at akoʼy inyong iningatan.

Pupurihin ko kayo magpakailanman.

7Naging halimbawa ang buhay ko para sa marami,

dahil kayo ang aking naging kalakasan at tagapag-ingat.

8Maghapon ko kayong pinapupurihan dahil sa inyong kahanga-hangang kagandahan.

9Huwag nʼyo akong iiwan kapag akoʼy matanda na.

Huwag nʼyo akong pababayaan kapag akoʼy mahina na.

10Dahil nag-uusap-usap ang aking mga kaaway at nagpaplano na akoʼy patayin.

11Sinasabi nilang, “Pinabayaan na siya ng Dios,

kaya habulin natin siya at dakpin dahil wala namang magliligtas sa kanya.”

12O Dios ko, huwag nʼyo po akong layuan;

at agad akong tulungan.

13Nawa silang nagpaparatang sa akin ay mapahiya at mapahamak.

Ang mga nagnanais na akoʼy saktan ang siya sanang kutyain at malagay sa kahihiyan.

14Ngunit ako, O Dios ay palaging aasa at lalo pang magpupuri sa inyo.

15Maghapon kong sasabihin

na matuwid kayo at nagliligtas,

kahit na hindi ko lubusang maunawaan.

16Pupunta ako sa inyong templo Panginoong Dios

at pupurihin ko ang inyong mga kahanga-hangang ginawa.

Ihahayag ko sa mga tao na kayo ay makatarungan.

17O Dios, mula pagkabataʼy itinuro nʼyo na sa akin ang tungkol sa inyong mga kahanga-hangang gawa at hanggang ngayon,

inihahayag ko ito sa mga tao.

18At ngayong akoʼy matanda na at maputi na ang buhok,

huwag nʼyo akong pabayaan, O Dios.

Maihayag ko sana ang inyong lakas at kapangyarihan sa susunod na henerasyon,

at sa lahat ng mga darating sa hinaharap.

19O Dios, ang inyong katuwiran ay hindi kayang maunawaan ng lubusan.

Kahanga-hanga ang inyong mga gawa.

Tunay ngang walang sinuman ang tulad ninyo.

20Bagamaʼt pinaranas nʼyo ako ng maraming hirap, bibigyan nʼyo akong muli ng bagong buhay.

Katulad koʼy patay na muli nʼyong bubuhayin.

21Bibigyan nʼyo ako ng mas higit na karangalan,

at muli akong aaliwin.

22O Dios ko, dahil sa inyong katapatan pupurihin ko kayo sa pamamagitan ng pagtugtog ng alpa.

O Banal na Dios ng Israel,

aawit ako ng mga papuri sa inyo sa pamamagitan ng pagtugtog ng lira.

23Dahil akoʼy iniligtas nʼyo, sisigaw ako sa tuwa habang tumutugtog

at umaawit ng papuri sa inyo.

24Lagi kong ipapahayag na kayo ay matuwid dahil nabigo at nalagay sa kahihiyan ang mga nagnais na mapahamak ako.