Salmo 146 – Tagalog Contemporary Bible TCB

Tagalog Contemporary Bible

Salmo 146:1-10

Salmo 146

Papuri sa Dios na Tagapagligtas

1Purihin ang Panginoon!

Karapat-dapat na purihin ang Panginoon.

2Buong buhay akong magpupuri sa Panginoon.

Aawitan ko ang aking Dios ng mga papuri habang akoʼy nabubuhay.

3Huwag kayong magtiwala sa mga makapangyarihang tao o kaninuman,

dahil silaʼy hindi makapagliligtas.

4Kapag silaʼy namatay, babalik sila sa lupa,

at ang kanilang mga binabalak ay mawawalang lahat.

5Mapalad ang tao na ang tulong ay nagmumula sa Dios ni Jacob,

na ang kanyang pag-asa ay sa Panginoon na kanyang Dios,

6na siyang gumawa ng langit at lupa, ng dagat at ang lahat ng narito.

Mananatiling tapat ang Panginoon magpakailanman.

7Binibigyan niya ng katarungan ang mga inaapi,

at binibigyan ng pagkain ang mga nagugutom.

Pinalalaya ng Panginoon ang mga bilanggo.

8Pinagagaling niya ang mga bulag para makakita,

pinalalakas ang mga nanghihina,

at ang mga matuwid ay minamahal niya.

9Iniingatan niya ang mga dayuhan,

tinutulungan ang mga ulila at mga biyuda,

ngunit hinahadlangan niya ang mga kagustuhan ng masasama.

10Mga taga-Zion, ang Panginoon na inyong Dios ay maghahari magpakailanman.

Purihin ang Panginoon!