Ezekiel 16 – Tagalog Contemporary Bible TCB

Tagalog Contemporary Bible

Ezekiel 16:1-63

Ang Jerusalem ay Katulad ng Babaeng Nangangalunya

1Sinabi sa akin ng Panginoon, 2“Anak ng tao, ipaalam mo sa Jerusalem ang mga kasuklam-suklam niyang gawa. 3Sabihin mo sa kanya na ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito sa kanya: Isa kang Canaanita! Ang ama mo ay isang Amoreo at ang iyong ina ay isang Heteo. 4Nang ipinanganak kaʼy walang nag-asikaso sa iyo. Walang pumutol ng pusod mo, nagpaligo o nagpahid ng asin sa katawan mo at wala ring nagbalot ng lampin sa iyo. 5Walang nagmalasakit sa iyo para gawin ang mga bagay na ito. Walang sinumang naawa sa iyo. Sa halip, itinapon ka sa kapatagan at isinumpa mula nang araw na isinilang ka.

6“Pero nang mapadaan ako, nakita kitang kumakawag-kawag sa sarili mong dugo at sinabi ko sa iyong mabubuhay ka. 7Pinalaki kita tulad ng isang tanim sa bukirin. Lumaki ka at naging dalaga. Lumaki ang dibdib mo at lumago ang iyong buhok, pero hubad ka pa rin.

8“Nang muli akong mapadaan, nakita kong ganap ka nang dalaga. Kaya tinakpan ko ng aking balabal ang kahubaran mo at ipinangakong ikaw ay aking mamahalin. Gumawa ako ng kasunduan sa iyo, at ikaw ay naging akin. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.

9“Pinaliguan kita at nilinis ang mga dugo sa katawan mo at pinahiran din kita ng langis. 10Pagkatapos, dinamitan kita ng mamahaling damit na pinong linen, seda na may magagandang burda at pinagsuot ng sandalyas na balat. 11Binigyan kita ng mga alahas: mga pulseras at kwintas. 12Binigyan din kita ng singsing para sa ilong, hikaw at korona. 13Pinalamutian kita ng pilak at ginto, dinamitan ng burdadong seda at ang pagkain moʼy mula sa magandang klaseng harina, pulot at langis ng olibo. Napakaganda mo, para kang reyna. 14Naging tanyag ka sa mga bansa dahil sa labis mong kagandahan, at sa karangyaang ibinigay ko sa iyo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.

15“Pero, nagtiwala ka sa iyong kagandahan at ginamit mo ang iyong katanyagan. Tulad ng isang babaeng bayaran, ipinagamit mo ang sarili mo sa kung kani-kaninong lalaki at nagpakasasa sila sa iyo. 16Ginamit mo ang iba mong damit para pagandahin ang mga sambahan sa matataas na lugar16:16 mga sambahan sa matataas na lugar: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod. at dooʼy ipinagamit mo ang iyong sarili sa mga lalaki. Hindi ito dapat nangyari. 17Ginamit mo rin ang mga pilak at gintong alahas na ibinigay ko sa iyo sa paggawa ng mga lalaking dios-diosan na sinamba mo. Kaya para ka na ring nangalunya. 18Pinadamitan mo ang mga dios-diosang iyon ng mga damit na may mga burda na ibinigay ko sa iyo at inihandog mo sa kanila ang mga langis ko at insenso. 19Inihandog mo rin sa kanila ang mga pagkaing ibinigay ko sa iyo mula sa magandang klaseng harina, pulot at langis ng olibo. Inihandog mo ito sa kanila bilang mabangong handog. Oo, iyan nga ang nangyari. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.

20“Inihandog mo ang mga anak natin sa iyong mga dios-diosan upang kainin. Hindi ka pa ba nasisiyahan sa pagpapagamit mo sa kanila? 21Pinatay mo pa ang mga anak ko at inihandog sa mga dios-diosan. 22Sa lahat ng kasuklam-suklam mong gawain at pagpapagamit sa iba ay hindi mo na naisip kung papaano kita inalagaan noong kabataan mo pa, noong hubad ka at kumakawag-kawag sa sarili mong dugo.

23Ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing, nakakaawa ka! Maliban sa mga kasamaang ito na ginawa mo, 24nagtayo ka rin ng sambahan para sa mga dios-diosan, doon sa mga plasa 25at kanto ng mga lansangan. Doon, dinumihan mo ang iyong kagandahan at ipinagamit ang sarili mo sa kung kani-kaninong lalaki. Ipinagamit mo nang ipinagamit ang sarili mo. 26Nagpagamit ka sa mga taga-Egiptong kalapit-bansa mong malibog. Ginalit mo ako sa pamamagitan ng patuloy mong pagpapagamit. 27Kaya pinarusahan kita at pinaliit ang nasasakupan mo. Ipinasakop kita sa mga kaaway mong Filisteo. Kahit sila ay nagulat sa iyong kahalayan.

28“At hindi ka pa nakontento, nagpagamit ka rin sa mga taga-Asiria. Pero pagkatapos, hindi ka pa rin nasiyahan. 29Lalo pang tumindi ang iyong pagnanasa at nangalunya ka pa sa Babilonia na lugar ng mga mangangalakal, pero hindi ka pa rin nasiyahan.

30Ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing kay dali mong mahikayat! Para kang babaeng bayaran na walang kahihiyan! 31Nagtayo ka ng mga sambahan para sa mga dios-diosan sa mga kanto ng lansangan at mga plasa. Mas masahol ka pa kaysa sa babaeng bayaran dahil hindi ka nagpapabayad sa mga gumagamit sa iyo. 32Isa kang babaeng mangangalunya! Mas gusto mo pang sumiping sa iba kaysa sa asawa mo! 33Tumatanggap ng bayad ang mga babaeng bayaran, pero ikaw, ikaw pa ang nagbibigay ng mga regalo sa mga mangingibig mo para suhulan silang makipagtalik sa iyo. 34Kabaligtaran ka ng mga babaeng bayaran! Walang nagyayaya sa iyo para sumiping; ikaw pa ang nagyayaya. Hindi ka na nagpapabayad, ikaw pa ang nagbabayad. Kakaiba ka talaga!

35“Kaya ikaw babaeng bayaran, pakinggan mo ang sasabihin ko! 36Ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Ipinakita mo ang iyong kahalayan at kahubaran sa mga mangingibig mo at sa mga kasuklam-suklam mong dios-diosan. Pinatay mo ang mga anak mo at inihandog sa kanila. 37Dahil sa ginawa mong ito, titipunin ko ang mga mangingibig na pinasasaya mo, ang mga minahal at kahit ang mga kinainisan mo. Titipunin ko sila para kalabanin ka at huhubaran kita sa harap nila para makita nila ang kahubaran mo. 38Paparusahan kita dahil sa pangangalunya mo at pagpatay. At dahil sa tindi ng galit ko at panibugho, papatayin kita. 39Ibibigay kita sa mga naging mangingibig mo at gigibain nila ang mga sambahang itinayo mo para sa iyong mga dios-diosan. Huhubaran ka nila at kukunin ang naggagandahan mong alahas, at iiwan ka nilang hubad. 40Dadalhin ka nila sa mga taong babato at tatadtad sa iyo sa pamamagitan ng kanilang espada. 41Susunugin nila ang bahay mo at parurusahan ka nila sa harap ng maraming babae. Ipapatigil ko ang pagpapagamit mo at ang pagbabayad mo sa iyong mga mangingibig. 42Sa gayon, mapapawi na ang matinding galit ko sa iyo at ang aking panibugho. Hindi na ako magagalit sa iyo.

43“Kinalimutan mo kung papaano kita inalagaan noong kabataan mo pa. Sa halip, ginalit mo ako sa iyong mga ginawa, kaya paparusahan kita ayon sa iyong mga gawa. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. Hindi baʼt sa dami ng mga kasuklam-suklam mong ginawa, nagawa mo pang dagdagan ito ng kalaswaan?

44“Tingnan mo, may mga taong nagsabi ng kasabihang ito sa iyo: ‘Kung ano ang ina, ganoon din ang anak.’ 45Talagang pareho kayo ng iyong ina na nagtakwil ng kanyang asawaʼt mga anak. Ang ina mo ay isang Heteo at ang ama mo ay isang Amoreo. 46Ang nakatatanda mong kapatid na babae ay ang Samaria sa hilaga kasama ang mga anak niyang babae16:46 anak niyang babae: Ang ibig sabihin, mga naninirahan dito, o, ang mga baryo sa paligid nito. Ganito rin sa talatang 48, 49, 53, 55. at ang nakababata mong kapatid na babae ay ang Sodom sa timog pati na ang mga anak niyang babae. 47Sinunod mo ang mga pag-uugali at kasuklam-suklam na gawain nila. At sa loob lang ng maikling panahon ay mas masama pa ang ginawa mo kaysa sa kanila. 48Ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay nagsasabi na ang kapatid mong Sodom at ang mga anak niyang babae ay hindi gumawa ng tulad ng ginawa mo at ng mga anak mong babae. 49Ang kasalanan ng kapatid mong Sodom ay pagmamataas. Siya at ang mga anak niyang babae ay sagana sa pagkain at maunlad ang buhay, pero hindi sila tumulong sa mahihirap at mga nangangailangan. 50Sa pagmamataas nila, gumawa sila ng kasuklam-suklam sa paningin ko, kaya pinarusahan ko sila katulad nga ng nakita mo.

51“Kahit ang Samaria ay hindi nakagawa ng kalahati man lang ng mga kasalanan mo. 52Dapat kang mahiya dahil mas marami kang ginawang kasuklam-suklam kaysa sa mga kapatid mong babae, kaya lumabas pang mas matuwid sila kaysa sa iyo. 53Pero darating ang araw na muli kong pauunlarin ang Sodom at Samaria, pati na ang mga anak nilang babae. At ikaw ay muli kong pauunlarin kasama nila, 54para mapahiya ka sa lahat ng ginawa mo, dahil nagmukha pa silang matuwid kaysa sa iyo. 55Oo, muli kong pauunlarin ang mga kapatid mong babae – ang Sodom at Samaria, ganoon din ang mga anak nilang babae. Ito rin ang mangyayari sa iyo at sa mga anak mong babae. 56Nilait mo noon ang Sodom noong ikaw ay nagmamataas pa 57at hindi pa nabubunyag ang iyong kasamaan. Pero ngayon, katulad ka na rin niya. Nilalait ka na rin ng mga taga-Edom at ng mga bansa sa palibot niya, pati na ng mga Filisteo. Kinukutya ka ng mga nakapalibot sa iyo. 58Dadanasin mo ang parusa dahil sa iyong kahalayan at kasuklam-suklam na gawain. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

59Ito pa ang sinabi ng Panginoong Dios. “Parurusahan kita nang nararapat, dahil binalewala mo ang iyong pangako sa pamamagitan ng pagsira sa kasunduan natin. 60Pero tutuparin ko pa rin ang kasunduang ginawa ko sa iyo noong kabataan mo pa at gagawa ako sa iyo ng kasunduan na walang hanggan. 61Sa gayon, maaalala mo ang mga ginawa mo at mapapahiya ka, lalo na kung gagawin ko ang iyong mga kapatid na babae, ang Samaria at Sodom, na iyong mga anak, kahit na hindi sila kasama sa kasunduan natin. 62Patitibayin ko ang kasunduan ko sa iyo, at malalaman mong ako ang Panginoon. 63Maaalala mo ang mga kasalanan mo at mahihiya ka, lalo na kapag pinatawad ko na ang lahat ng ginawa mo, hindi ka na makakapagsalita dahil sa sobrang kahihiyan. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”